Migrante nababahala sa kundisyon ng 100 Pinoy prisoners

Pinatututukan nga­yon ng grupong Migrante-Middle East (Migrante-ME) ang kalagayan ng mahi­git 100 presong Pilipino sa Saudi matapos na mapabalitang limang (5) Ethiopian ang namatay dahil sa pagkainis (asphyxiation) o kakapusan ng hininga dahil sa overcrowding ng mga bilangguan sa naturang bansa.

Nabatid kay John Leonard Monterona, koordineytor ng Migrante-ME sa Gitnang Sila­ngan ng PINAS The Filipino’s Global Newspaper na may mga bilanggong Pinoy ang nagre­reklamo na pilit di-umanong pinagkakasya ng Saudi police ang 100 preso sa isang karsel na may sukat lamang na 5 meters by 8 meters. Partikular ang pangyayaring ito sa Malaz, ang sentrong pasilidad para sa mga bilanggo ng Saudi Arabia.

“Kaya hinihiling namin kay Pang. Benigno C. Aquino III na ipag-utos sa ating konsulado na magsagawa ng pag-iinspeksiyon sa mga bilangguan sa buong Saudi para matingnan kung ano na ang lagay ng mga kababayan natin doon. Huwag na nating hintayin pang may mamatay tayong kababayan dahil sa kawalan ng hangin sa loob ng kulungan,” sabi ni Monterona.

Sa Malaz Central Jail aniya, nasa 200 Pilipino na nahaharap sa iba’t ibang kaso ang nakakulong doon. Pangunahing reklamo nila ang init sa loob ng selda na umaabot ng 44ºC o 14 na degree na mas mataas kaysa sa normal na room temperature.

Hiling din umano ng mga bilanggo sa gobyerno na bi­gyan sila ng kumot at mahihi­gaan lalo pa’t sasapit na ang panahon ng taglamig doon na ang temperatura ay umaabot ng below zero degree.

“Karamihan sa kanila, nakahiga lang sa karton. Saka, bukod sa kumot at mattresses, humihiling din sila ng gamot kontra sipon at trangkaso dahil uso ito tuwing panahon ng taglamig,” sabi pa ni Monterona.

Samantala, binatikos naman ng lider-Migrante ang kalatas ni Philippine Ambassador to Saudi Antonio Villamor na nagsasabing kapag may lumayas na OFW mula sa kanyang amo, huwag itong tulungan.

Para kay Monterona, ma­ling senyal ang pahayag na ito ni Villamor lalo na roon sa mga organisasyon gaya ng Migrante-ME at iba pa na tumutulong sa OFW na tumakas mula sa kanilang malulupit at abusadong mga amo. (Setyembre 10, 2010; PINAS)