Usapang pangkapayapaan pagtapos ng Ramadan, iginiit

IGINIIT ng grupong Muslim-Christian Alliance for Justice, Peace and Democracy in the Philippines (MCA-PDP) sa pamahalaang Aquino na umpisahan na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas (GRP) at Muslim separatist group na Moro Islamic Liberation Front (MILF) pagtapos ng buwan ng Ramadan.

Ani Imam Abdulrahman Parcarey, tagapagsalita ng MCA-PDP, maganda diumanong pagkakataon ang pagtatapos ng Ramadan para ipagpatuloy ang naudlot na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaang Pilipino at ng MILF dahil ang Ramadan ay okasyon, hindi lamang para sa pag-aayuno para sa mga tagasunod ng Isl­ām, kundi isang pagpapatibay ng pagmamahal ng mga Muslim sa kapayapaan, katarungan at demokrasya.

Gayunman, ikinalungkot ng lider-Muslim at guro ng Islām ang diumano’y paghahanda ng grupong MILF sa digmaan, sakaling hindi ituloy ni Pang. Benigno Simeon C. Aquino III ang pangako nitong buksang muli ang usapang pangkapayapaan.

Samantala, binatikos naman ni MILF Chief Information Officer at tagapangulo ng deactivated na MILF Peace Panel Mohagher Iqbal ang diumano’y “eksaherasyon” sa balita ukol sa sandatahang lakas ng grupo.

Noong Agosto 10, lumitaw sa isang malaking pahayagang pang-araw-araw na naghahanda diumano ang MILF sa isang “jihad” o banal na digma kontra-rehimeng Aquino sakaling hindi nito tuparin ang pangako nitong pakikipag-usap sa kanila.

Giit ni Iqbal, “misquoted” o mali ang interpretasyon ng peryodikong iyon kay MILF Chairperson Murad Ibrahim hinggil sa dami ng kanilang nasasandatahang tauhan. Sa kasalukuyan kasi, nasa 100,000 ang kasapian ng MILF at 60 porsiyento nito ang nasasandatahan.

Ani MILF chair Ibrahim, ang naturang sandatahang tauhan ng MILF ay “nakahandang ipagtanggol ang buong Bangsamoro,” na inakala naman diumano ng reporter ng peryodiko na paghahanda para digmain ang pamahalaang Aquino.

Reklamo ni Iqbal, ganito rin ang nangyari noong lagdaan, dalawang taon na ang nakararaan ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) na umani ng pagbatikos dahil sa lawak diumano ng saklaw nito at maaaring pagpapalayas sa mga di-Muslim sa mga lugar na sinasabing pag-aari noon ng Sultanato ng Maguindanao at Sulu. (Pilipinas Reporter)