Suspensiyon sa mandatoryong Pag-IBIG membership, ikinatuwa ng OFWs

Ayon sa grupong Migrante-Middle East, dapat nang tuluyang ibasura ang mandatoryo o "sapilitang" pagpapamiyembro ng mga OFW sa Pag-IBIG fund

Ikinagalak ng grupong Migrante Middle East ang desisyon ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na suspendihin ang kautusan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na mandatoryong pagpapamiyembro ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Home Mutual Development Fund o mas kilala sa tawag na Pag-IBIG Fund.

Ani John Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante sa Gitnang Silangan, nagpapasalamat sila kay Binay dahil sa desisyon nito pero dapat umanong mabatid ng housing czar na hindi dapat sapilitan ang pagpapamiyembro sa Pag-IBIG fund.

“Gusto naming bigyang-diin na hindi dapat mandatory, o compulsory ang pagpapamiyembro sa Pag-IBIG, kundi dapat optional lang para mabigyang laya natin ang mga kababayan nating migrante na pumili ng kung anong housing plan ang gusto nila,” paliwanag ni Monterona.

Sa kabilang banda, sinabi ni Monterona na dapat imbestigahan ni Binay ang diumano’y “matatabang” bulsa ng Board of Trustees ng Pag-IBIG. Napapabalita kasing tumatanggap ang mga ito ng suweldong P130,000 kada buwan, sa kabila ng katotohanang lumiliit ang kaban ng Pag-IBIG Fund.

Bukod dito, inuudyukan din ni Monterona ang pamahalaang Aquino na malalimang imbestigahan ang diumano’y maanomalyang electronic o machine readable passport na pagkamahal-mahal sa ibang bansa.

Kung sa Pilipinas ay nasa pagitan ng P950 hanggang P1,200 lamang ang e-passport, sa Hong Kong naman, naglalaro ang presyo nito sa US$60 (P2,713.20, batay sa FOREX noong Agosto 15) samantalang sa Saudi, nasa $64 (P2,894.08).

Sa kabilang banda, ipinagtanggol naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang presyo ng e-passport at sinabing mas mura ito kumpara sa ibang mga bansa.

Anang DFA, sa Malaysia ang katulad ng biometric o e-passport ay humigit-kumulang US$88 (P3,979.36) ang halaga samantalang $150 (P6,783.00) naman sa Turkey.

Sa Estados Unido nagkakahalaga ang katulad na passport ng $97 (P4,386.34) samantalang $182 (P8,230.04) naman sa Japan. Naglalaro naman sa pagitan ng $115  hanggang $165 (mula P5,200.30 – P7,461.30) ang halaga ng e-passport sa Bangladesh at $120 (P5,426.40) sa Pakistan kapag rush ang e-passport.

Sinabi rin ng DFA na “legal na legal” at “malinis” ang proyektong machine readable passport ng ahensiya, hindi gaya ng ibinibintang ng ilang kritiko nito. (Pilipinas Reporter)