Pribatisasyon ng IPPs, magpapababa ng presyo ng kuryente?

Upang mapababa diumano ang universal charge for stranded debts, kailangan nang ibenta ang lahat ng IPPs, sabi ng PSALM. (Larawan mula sa WorldNews.com)

Pagsasapribado ng mga independent power producer (IPPs) plant ang nakikitang solusyon ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), ang kumpanya ng gobyerno na namamahala sa pagsasapribado ng mga pag-aari ng National Power Corp. (Napocor) at National Transmission Corp. (TransCo), upang mapababa diumano ang singil sa universal charge for stranded debts (UC-SD), na ikinakarga sa bill ng mga konsiyumer.

Anang PSALM, malaki ang magiging pakinabang ng mga konsiyumer sakaling maibenta ang mga IPPs. Batay sa datos ng PSALM, nasa US$3.23 bilyon (P146.06 bilyon) ang maaring makolekta ng gobyerno, na maisusudlong naman sa P470 bilyon halaga ng stranded debts ng mga ito.

Kung mangyayari ito, maaaring mabawasan ang UC-SD na sinisingil sa mga konsiyumer.

Mayroong dalawang opsiyon na ibinigay ang PSALM para mabawi ang P470 bilyong pagkakautang na ito—una, ang ikarga ito sa konsumo sa kuryente ng mga Pinoy sa halagang 30¢ kasa kilowatt-hour (kWh) sa loob ng 17 taon o singilin ang konsiyumer ng 22.5¢/kWh sa 25 taon.

Para naman sa tinatawag na stranded contract cost, ito naman ang mungkahi ng PSALM – singilin ang konsiyumer ng 50¢/kWh para sa one-year recover period, 16¢ naman para sa three-year period, at siyam na sentimos (9¢) naman para sa five-year recover period.

Ipinagmalaki naman ng PSALM na agn P12.44 bilyon na bawas sa UC-CD charging ngayong taon ay bunga ng pagsasapribado ng mga kumpanya ng kuryente ng gobyerno, paunang bayad sa mga utang at ang kinita ng IPPs.

Sinimulan ang paniningil sa konsiyumer ng UC-SD nang maipasa sa Kongreso ang binagong Electric Power Industry Reform Act noong 2001.

Ayon sa PSALM, mahalagang singilin ang UC-SD sa mga konsiyumer para ma-liquidate ang utang ng Napocor. (Pilipinas Reporter)