Alternatiba sa VAT sa toll fee, pinag-aaralan na—Palasyo

Pinag-aaralan na ng Malakanyang ang alternatibo sa VAT sa toll fee matapos na pigilan ng Korte Suprema ang pagpapatupad nito. (Larawan mula sa http://blog.ayson.ph/)

Matapos na magpalabas ng temporary restraining order o TRO ang Korte Suprema hinggil sa pagpapataw ng value-added tax (VAT) sa bayad sa toll sa South Luzon Expressway, pinag-aaralan na ng Palasyo kung ano ang maaaring alternatiba rito.

Ayon kay Atty. Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Pang. Benigno C. Aquino III, anumang araw, ihahatag na ni Finance Sec. Cesar V. Purisima ang mga plano nito ukol sa naudlot na VAT sa toll fee, na mag-aakyat sana ng humigit-kumulang isang bilyong piso, kada buwan, sa kabang-yaman ng gobyerno.

Ang halaga sanang iyon ang gugugulin ng gobyernong Aquino para sa mga proyektong panlipunan na binabalak nito.

Samantala, dahil sa TRO sa VAT sa toll fee, triple kayod naman ang Kawanihan ng Rentas Internas o Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagkolekta ng mga buwis sa iba pang mapagkukunan nito, para ‘matapalan’ ang butas na nalikha ng TRO ng Korte Suprema.

Isa sa napipisil ng gobyerno para matapalan ang “butas” likha ng pagpigil sa pagpapataw ng VAT sa toll fee ay ang muling pagpapataw ng taripa sa inaangkat ng produktong petrolyo. Sinuspindi ng noong rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo ang pagpapataw ng taripa sa petrolyo sa planong pababain ang presyo nito sa lokal na pamilihan.

Sabi ni Lacierda, maaaring kausapin niya sa darating na mga araw si Energy Sec. José Rene Almendras o si BIR Commissioner Kim Henares hinggil sa panukala.

Sinasabing ang grupong Piston o Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide ang nagpanukala sa pagbabalik ng taripa sa langis.

Sa kabilang banda, sinabi ni Lacierda na sa halip na isalang sa kritisismo ang Expanded VAT Law, dapat diumano itong repasuhin at baguhin ng mga taga-Kongreso—ng kaalyado man o hindi ng Pang. Aquino.

Matinding banat kasi ang natanggap ng Palasyo nang ianunsiyo nito ang pagsang-ayon ukol sa pagpapataw ng VAT sa toll fee.

Ani Lacierda, mayroong kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang anumang batas at saka, hindi dapat umanong makipagtalo-sira ang mga mambabatas sa Malakanyang dahil ipinatutupad lamang ng Palasyo ang batas.