Sa Buwan ng Kababaihan: Mga Eba ng tahanan, hikahos pa rin

Ayon sa Center for Women's Resources, nananatiling maramot ang oportunidad para sa mga Pilipina (Larawan kagandahang loob ng restyferguson.com)

Ngayong ipinagdiriwang ng buong mundo ang Sentenaryo ng Araw ng mga Kababaihan, sinasabing ang mga Pinay ay nananatili pa ring nakatali sa yapos ng kahirapan at oportunidad.

Bagaman sinasabing may ilang nagtagumpay, kalakhan pa rin ng populasyon ng kababaihan sa Pilipinas, nakararanas pa rin ng karalitaan, kakapusan sa pagkain at hindi maayos na nakapaghahanapbuhay.

Walang sapat na hanapbuhay para kay Inday

Sa datos ng National Commission on the Role of the Filipino Women (NCRFW), ang ahensiya ng gobyernong nakatutok sa kalagayan at nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga Pilipina, lumilitaw na hindi man lamang nakaabot sa kalahati ng 19.4 milyong kababaihan na nakikisangkot sa pambansang produksiyon.

Bagaman tumaas nang halos 0.6% ang labor participation ng kababaihan noong 2008 (48.6%), mas mataas pa rin ang labor participation ng kalalakihan na umaabot sa 78.9%.

Sinasabi ng datos ng NCRFW, sa kasalukuyan, nasa 13.3 milyong Pilipina lamang ang mayroong hanapbuhay at kumikita kumpara sa kalalakihan na 21.3 milyon.

Sa isang natatanging ulat na inilabas ng Center for Women’s Resources, ang Ulat Lila 2010 na pinamagatang “Hamon ng Kababaihan sa Eleksyon 2010,” sinasabi nitong bagaman may trabaho ang kababaihan, karamihan dito ay kontraktuwal at hindi nagtatagal. Marami rin sa mga Pinay ang hindi nakapagtatrabaho nang sapat, o umaabot ng 40 oras ang oras ng kanilang paggawa sa loob ng isang linggo.

May “trabaho” pero ‘di sumusuweldo at walang lupa para sa Mariang magbubukid

Karamihan pa sa kababaihan, kasama ng mga bata, ay tinatawag na “own account worker” at “unpaid family worker”. Ang own account worker ay ang mga nagsasariling kayod para kumita at 30.5% na sila ng puwersang paggawa habang ang unpaid family labor, ang mga nagtatrabaho pero hindi nasusuwelduhan dahil kapamilya, ay 11.9% na. Kung susumahin ang dalawa, aabot sa higit na 16 milyon. Karamihan sa napapabilang dito ay kababaihang kailangang umangkop sa walang kaseguruhang abot ng kita,” sabi ng CWR.

Dahil marami ang underpaid, o hindi nasusuwelduhan nang husto, maraming kababaihan rin ang overworked o labis-labis kung magtrabaho.

Ibinunyag ng CWR na gumagampan ng higit sa isang trabaho, para lamang madagdagan ang badyet sa pangangailangan sa bahay, ang 77.61% ng kababaihan.

“Iba’t ibang pamamaraan ang kanilang paghanap ng dagdag na pagkakakitaan. May 18.91% sa kanila ang nagsabing naghahanap ng pa-extra extra o sub-contract na trabaho at 28.36% ang nagsabing nagtitinda ng iba’t ibang kalakal o pagkain. May 12.94% na nangungutang na lamang para madagdagan ang pantustos sa gastusin sa kanilang bahay,” paliwanag ng CWR.

Maraming kababaihan sa maralitang mga komunidad ang nananatiling naglalabada o nagtatayo ng sari-sari store, para lamang makaangkop sa patuloy na makaangkop sa patuloy na humihirap na sitwasyon ng kabuhayang pambansa.

Anang CWR, isa ring pamamaraan ng kababaihan para matustusan ang kanilang pagkakabuhayan ay ang paglapit sa mga maykayang kamag-anak para mangutang.

Naging alternatibo rin ng kababaihan ang pagsali sa mga contest sa telebisyon upang kumita ng kautin.

“[B]ukod sa malaki ang premyo, ay may libre pang pagkain na hindi nila agad kinakain sa istudyo para maiuwi nila sa bahay at pagsaluhan nilang mag-anak. Ang iba naman ay pinapaupahan ang maliit na lugar na kanilang tinitirhan,” sabi pa ng CWR.

Sa mga probinsiya, marami ring kababaihang magbubukid ang nananatiling walang lupa kung kaya, di rin kumikita nang sapat.

At dahil tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, lalo ngayong umaaray ang mga ina at naghahanapbuhay na kababaihan.

Reklamo pa ng kababaihan, wala ring sapat na serbisyong panlipunan para sa kanila gaya ng sapat na edukasyon at serbsiyong pangkalusugan at medikal. Dagdag pa rito, ang patuloy na pagtaas ng kaso ng karahasan laban sa kababaihan at sa kanilang mga anak.

Pabatang-pabatang Pinay na nag-aabrod

Dahil walang oportunidad, napipilitan ang mga Pilipinang mag-abroad at makipagsapalaran sa ibang bansa.

Ayon sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), nasa 968,000 ang kababaihang nagtatrabaho ngayon bilang mga overseas Filipino worker (OFW). Malaking bahagdan nito, o 96% ang namamasukan bilang mga katulong sa ibang bansa, pangunahin na ang Hong Kong, Singapore, at mga bansa sa Middle East.

Pabata nang pabata ang kababaihang umaalis para magtrabaho sa ibang bansa, ayon sa POEA—mula edad 25 hanggang 34.

Hindi kaila sa marami na maraming kababaihan ang nabibiktima ng pang-aabuso at pangmamaltrato sa ibang bansa.

Hamon sa mga kumakandidato ngayong eleksiyon

Kaya nga, sabi ng CWR, may walong (8) hamon ang kababaihan sa mga kumakandidato ngayon sa pambansa at lokal na gobyerno: 1. Pagkain sa Bawat Mesa; Mababang Presyo ng Bilihin at Yutilidad; 3. Regular na Trabaho at Nakasasapat na Sahod; 4. Sapat na Serbisyong Panlipunan; 5. Mawakasan ang karahasan laban sa kababaihan at bata; 6. Pangalagaan ang karapatang pantao ng mamamayan; 7. Pangangalaga sa Kalikasan; at 8. Mahusay, mabuting pamamahala ng gobyerno.

Umaasa ang mga Pilipina na maipagkakaloob sa kanila ito ng susunod na gobyerno (May pinaikling bersiyon na nalathala sa PINAS).

One thought on “Sa Buwan ng Kababaihan: Mga Eba ng tahanan, hikahos pa rin

  1. naniniwala ako, na kahit pa sabihing pantay na ang karapatan ni eba at ni adan, ang totoo e joke lang talaga yun.

Comments are closed.