Isang pagbati sa halamang alugbati

Alugbati: halamang-gulay na nakapagpapalusog at nakapagpapagaling. (Larawan mula sa Internet)

Isang uri ng halamang baging na may pagkabiyoleta ang kulay ng mga sanga at may mamintog-mintog na mga dahon ang alugbati (Basella rubra Linn.). Isang paboritong sahog sa lutuing gulay, isa rin itong halamang gamot na maaring makagaling sa sari-saring karamdaman.

Masustansiya, nagtataglay ang sariwang dahon at sanga ng alugbati ng Basellasaponins A, B, C, at D, oleanane-type triterpenes oligoglycosides, kasama ng betavulgaroside 1, spinacoside C, at momordins IIb at Iic.

Sinasabing mayaman din sa calcium at iron ang gulay na ito. Maganda rin itong pagkunan ng bitamina A, B at C.

Sinasabing mahusay na makapagpula ng balat ang ugat ng alugbati. May nakapagsabi ring mainam na gamitin ang dinikdik na sariwang mga dahon para maibsan ang pamamaga ng kalamnan bukod pa sa mabisa diumano itong pamurga.

Ang murang dahon nito, ginagamit bilang pampahinog ng pigsa at pampahilom ng mga sugat samantalang ang dagta nito, ginagamit upang maalis ang pagnanaknak ng nahinog na tagihawat at acne.

Ang inasukalang katas ng dahon nito, kapag hinaluan diumano ng mantekilya o butter, ay makapagbibigay ng malamig na pakiramdam sa paso at paltos.

Sa India, pinaniniwalaang isang mahusay na gamot ang alugbati sa almoranas, mga sakit sa balat, kahinaang seksuwal, mga sugat at pamurga para sa buntis na kababaihan at gayundin para sa mga bata. Sa Nigeria naman, ginagamit itong bilang fertility enhancer para madaling mabuntis ang mga babae.

Samantala, may mga pag-aaral na isinagawa ng mga siyentista sa iba pang gamit ng alugbati at ayon sa mga pag-aaral na ito:

Mahusay na gamiting bilang natural na food coloring ang bunga ng alugbati.
Mahusay itong antifungal o sakit ng mga halaman. Sa ilang eksperimento, nakalikha ang mga siyentista ng dalawang antifungal peptides na mabisang pamatay Botrytis cinerea, Mycosphaerella arachidicola at Fusarium oxysporum.
Antimicrobial – Ang kinatas na dahon ng algubati ay may mataas na antimicrobial property sa lahat ng ginamit na subject liban sa P aeruginosa. Sinasabing mabisa ang katas na ethanolic sa paglaban sa E coli.

Subalit, ayon sa mga siyentista, kailangan pa ng masususing pag-aaral para malaman kung gaano pa kabisa ang alugbati bilang antimicrobial drug.

About these ads