Hindi pagsara sa UP Cebu High, ikinatuwa ng solon

Ikinagalak ni reelectionist Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino ang hindi tuluyang pagpapasara sa University of the Philippines High School sa Cebu dahil na rin sa petisyon ng mga mag-aaral, kaguruan at maging lokal na mga opisyal ng gobyerno roon.

Noong Enero kasi, ipinag-utos ni Dean Enrique M. Avila ang suspensiyon o pagpapatigil sa pagtanggap ng bagong mga mag-aaral sa UP Cebu High School bilang paghahanda sa tuluyang pagsasara nito.

Katuwiran ni Avila, sa bagong Charter ng UP na nilikha’t inamyendahan noong 2008, hindi naman prayoridad ang naturang high school at hindi na nito kayang sustinihan pa ang pangangailangan nito sa kaguruan.

Ani Palatino, napatunayan ng kaso ng UP Cebu High School na ang pagkakaisa ang tanging susi para magtagumpay ang isang kampanyang panig sa mga mamamayan.

Noong Enero, naghain si Palatino, kasama nina Cebu Rep. Raul Del Mar ng North District ng Cebu City; Pablo John Garcia ng 3rd Cebu Province at Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, ng isang resolusyon—ang House Resolution 1569—na humihimok sa administrasyon ng UP System na ipagpatuloy ang operasyon ng UP High School, bilang pagkilala sa naging papel nito sa pagbibigay ng edukasyon sa mahihirap subalit matatalinong mag-aaral ng Cebu. (Noel Sales Barcelona)