OFWs na nakalaboso sa Saudi, tulungan—Migrante ME

Panawagan ng Migrante-Middle East: "Tulungan ninyo ang mga nakabilanggo sa Jeddah!"

Sumulat kamakailan ang Migrante-Middle East sa Human Rights Society of Saudi Arabia para humingi ng tulong para sa apat na overseas Filipino workers (OFWs) na nakulong, dahil sinasabing nagtago ng kriminal.

Sa isang email, sinabi ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME pinagbintangan sina Roque Garcia, Conrado Cortez, Levi Pamarisan, at Riel Roxas dahil pinatuloy nila, at kinupkop, si Alberto Del Rosario na hindi nila alam na may kasong kriminal dahil sa pagpatay diumano sa isang Bumbay at pagsugat naman sa isa pa noong Pebrero 29, 2009.

Kasalukuyang napipiit ngayon ang apat sa Jeddah General Prison mula pa noong Abril, 2009 at nasentensiyahan ng isang taong pagkakabilanggo, paghagupit nang 100 beses at pagpapatapong pabalik ng Pilipinas.

Sa isa pang email ni Monterona, kinumpirma naman ni Monterona na umamin nga sa kasong pagpatay ang suspek na si Del Rosario at nasentensiyahang mabitay. Aniya pa, sumuuko rin ito agad sa Embahada ng Pilipinas at humingi ng tulong sa mga opisyal kaugnay ng kanyang kaso.

“Pero, ayon sa salaysay ng apat, hindi tinulungan si Del Rosario ng mga opisyal ng embahada kung kaya, napilitan itong pumunta sa kanila para makiamot ng tulong,” sabi ni Monterona. Sugatan kasi noon ang suspek, ayon pa kay Monterona.

Sa kopya ng sulat ni Monterona, sinabi nitong kaya sila lumiham, sa ngalan ng apat na nabibilanggong Pinoy, ay dahil natatakot silang baka hindi agad sila mapauwi kahit pa tapos na ang kanilang sentensiya gaya nang nangyari sa ibang kababayan nating nabilanggo sa Saudi.

Dahil dito, nakikiusap ang grupo kina Department of Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo at DFA-Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr. na tugunin agad ang panawagan ng apat at gayundin, imbestigahan ang sinasabing kapabayaan ng mga opisyal ng bansa sa Saudi Embassy dahil sa hindi nito pagtulong kay Del Rosario dahil nga nasasangkot sa isang krimen. (Noel Sales Barcelona)