Campus Journalism Act, amyendahan—Kabataan solon

Sakaling manalo muli, ngayong halalan, isusulong ni re-electionist Kabataan partylist Raymond Palatino ang pag-amyenda sa Campus Journalism Act of 1991, ang batas na gumagabay sa pamahayagang pang-kampus dahil sa umano’y napakaraming ‘butas’ nito.

Re-electionist Kabataan partylist Rep. Raymond "Mong" Palatino: Maraming butas ang Campus Journalism Act of 1991 (Bulatlat.com)

Sa isang pahayag, sinabi ng 29-anyos na mambabatas, maraming pahayagang pang-kampus ang nagsasara dahil sa ginagamit ng administrasyon ng mga kolehiyo’t unibersidad ang kahinaan ng batas.

Batay sa tala ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), alyansa ng mahigit 300 pahayang pang-kampus sa bansa, nito lamang nagdaang taon maraming publikasyong pampaaralan ang nagsara bunga nang paggamit ng administrasyon sa probisyon ng naturang batas upang sikilin ang kalayaan ng mga ito sa pamamahayag.

Mula 2008, nasa 279 kaso ng paglabag sa kalayaan ng pamamahayag o puwersahang pagpapasara, pagpigil sa pondo, pagkakaso at pandarahas sa mga mamamahayag pangkampus ang naitala ng kanilang tanggapan.

Ayon kay Vijae Alquizola, pambansang pangulo ng CEGP, doble ang bilang na ito kumpara sa mga datos na nakalap nila noong 2006 at 2007.

Sa pahayag ni Palatino, iniulat nitong sapilitang ipinasara ang pahayagang pangkampus ng University of San Carlos-Cebu samantalang puwersahang ipinatigil ang paglilimbag at paglalathala ng The Wesnesco Torch ng West Negros University.

Ang masaklap pa nito, ayon kay Palatino, tinanggal pa ang mga kasapi ng editorial board ng nasabing publikasyon.

Nitong 2009 lamang, napaulat ang kaso ng diumano’y pagtanggal sa bayad ng The Catalyst, pahayagang pang-kampus ng Polytechnic University of the Philippines, sa kuwenta ng matrikula ng mga estudyante, na nagdulot sa kakapusan ng badyet ng nasabing pahayagan.

Sa isang panayam ng reporter na ito kay Ma. Fatima Joy Villanueva, isa sa mga patnugot ng The Catalyst, sinabi nitong ginigipit sila ng administrasyon ng PUP dahil sa ilang naisulat nilang artikulo laban sa mga ito, bagay namang pinabulaanan ng huli.

Bukod sa The Catalyst, dumaranas din ng diumano’y panggigipit ang pahayagang pang-kampus ng University of the Philippines-Los Baños, ang UPLB Perspective dahil din sa matalas nitong pagsusulat.