Statement of Account ng OWWA, isapubliko—Migrante

Dapat isapubliko ang pera ng migranteng nakalagak sa Overseas Workers' Welfare Administration Trust Fund, sabi ni John Leonard F. Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East. (Larawan kagandang-loob ni J. F. Monterona)

MAYNILA, Pilipinas – Hinamon ng grupong Migrante-Middle East (Migrante-ME) ang Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) na isapubliko ang listahan ng mga pinagkagastusan at pumapasok na pera sa ahensiya (statement of accounts) upang malaman ng mga mi­yembro kung magkano na ang kanilang perang nakalagak sa ahensiya.

Sabi ni John Leonard F. Monterona, tapag-ugnay ng Migrante-ME, ang ilang isyu ng katiwaliang hindi masagut-sagot ng gobyerno ang nagtulak sa kanila para sulatan si OWWA Administrator Carmelita Dimzon na ihatag sa publiko ang statement of account ng pumapasok na pera mula sa mga aplikanteng pa-abroad.

Bago pa makalabas ng bansa, obligadong magbayad ang isang migrante ng halagang US$25 o mahigit P1,000 para lamang mailistang miyembro ng OWWA at makinabang sa anumang benepisyong nasasaad sa batas na lumikha rito.

Nag-aalaala kasi ang Migrante na baka saan na naman mapunta ang kanilang salapi at tuluyang ‘di mapakinabangan ng mga OFW na katulad niya.

Sa listahan ng Migrante, nasasaad ang mga sumusunod na umano’y hindi pa nali-liquidate na gastos ng ahensiya, mula sa dating administrador nitong si Virgilio Angelo: P250 milyong halaga ng pondo, na mula sa OWWA Trust Fund na inilipat sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na nagamit diumano sa kandidatura ng ilang pulitiko.

Nailipat ang pera sa pamamagitan ni dating OWWA Adm. Virgilio Angelo; US$293,000 na ginamit noon ng Middle-East Preparedness Team na pinangunahan ni da­ting Hen. Roy Cimatu, sa kasagsagan ng giyera sa pagitan ng Iraq at US; P40 milyong iligal umanong ginamit para bigyang insentibo at allowances ang opisyal at empleyado ng gobyerno mula 2005 hanggang 2007; at P796,000 binayaran para sa serbisyo sa cell phones gaya ng ring back tunes, ring tones, mga laro at picture messages ng mga ehekutibo at empleyado ng POEA.

“Bilang mga miyembro, gusto naming malaman kung ano talaga ang nangyayari sa pera namin. Kasi, kawawa naman ‘yong mga OFW,” sabi ni Monterona. (PINAS The Filipino’s Global Newspaper)