Remittances ng OFWs noong ‘09 pumalo sa US$17.3-B

Tumaas ang remitans ng mga OFW noong 2009, sabi ng Bangko Sentral.

MAYNILA, Pilipinas – Umabot sa $17.3 bilyon ang kabuuang padala ng overseas Filipino workers (OFWs) noong 2009 o 5.6% na mas mataas kaysa sa taong 2008 na umabot lamang ng $16.4 bilyon, ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon pa sa BSP, katumbas ang naturang halaga ng 10.8% ng ating kabuuang economic output o kabuuang kita ng ating ekonomiya noong 2009.

Sinasabing ang malaking bulto ng naturang padala noong 2009 ay mula sa mga inhinyero, duktor at gu­rong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Anang BSP, dagdag na salik sa pagdami ng dolyar na ipinadadala ng OFWs sa Pilipinas ay dahil sa patuloy na pag-angkat ng lakas-paggawang Pilipino ng mga bansang may kasunduan sa Pilipinas. Nakatulong din umano ang pagpapalapad (expansion) ng remittance service rito sa bansa at ma­ging sa ibayong-dagat, ayon pa rin sa BSP.

Ang mga bansang US, Canada, Saudi Arabia, Great Britain, Japan, Singapore, United Arab Emirates, Italy at Germany ang panguna­hing pinagmumulan ng remittance, sabi pa ng BSP. (PINAS The Filipino’s Global Newspaper)