34-M obrero babantayan ang kanilang mga boto

Babantayan ng mga obrero ang kanilang boto ngayong Mayo. (Larawan mula sa Flickr.com)

MAYNILA, Pilipinas – Babantayan ng mga botanteng manggagawa ng bansa ang kanilang mga boto kahit na automated o de-computer ang gaganaping eleksiyon sa darating na Mayo. Duda pa rin ang humigit-kumulang na 34 na milyong manggagawang botanteng hindi madadaya o madidisprangkisa ang kanilang mga boto.

Dahil dito, binuo ng mga unyon at asosasyong pangmanggagawa mula sa iba’t ibang industriya at tanggapan, kasama ng kanilang mga kaalyado at sa pangu­nguna ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), Inc., ang Workers’ Electoral Watch (We-Watch), isang alyansang naglalayong bantayan ang boto ng mga manggagawang siyang pangunahing puwersa ngayong eleksiyon.

Ayon kay Joselito M. Natividad, executive director ng EILER, nabuo ang proyekto sa tulong ng European Union na nagnanais ding matiyak ang integridad ng halalan sa Pilipinas.

Pormal na inilunsad kamakailan lang sa makasaysayang lugar ng Intramuros, nilalayon ng WE-Watch na bigyang-lakas ang mga manggagawa bilang puwersa ng demokrasya at turuan sila kung paano bantayan ang kanilang mga boto sa panahon ng Automated Election System (AES).

Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), wala umanong magiging aberya o pandaraya sa darating na halalan bunsod ng paggamit ng teknolohiya sa botohan, duda pa rin ang EILER na mangyayari ang gayon.

Ayon kay Natividad, walang teknolohiyang hack-free. “Isa pa, walang makapagbeberipika kung talagang nabasa ang boto mo kapag naipasok na sa Precinct Count Optical Scan (PCOS). Isa pa, hindi rin na­bigyan nang sapat na panahon ang mga mamamayang ma­tingnan kung paano talaga gumagana ‘yung makina,” paliwanag ni Natividad.

Bukod pa rito, sinabi ni Natividad na hindi rin dapat pakasigurong walang brownout sa darating na eleksiyon at maaaring sa muling pagkakaroon ng ilaw ay hindi mababago ang resulta ng eleksiyon.

Pinatunayan naman ni Rom C. Factolerin, isang indipendiyenteng computer expert at animator, na wala talagang teknolohiyang “hack-free,” gaya nang sinasabi ng COMELEC. (PINAS: The Filipino’s Global Newspaper)