Religious leaders huwag isangkalan ang posisyon sa pulitika

Nakiusap ang Malacañang sa mga religious leader na huwag gamitin ang kanilang pagkapari o pagkapastor para magkamit ng posisyon sa gobyerno sa darating na eleksiyon sa Mayo 2010.

Marami nang lider-relihiyoso ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang masungkit ang posisyong iiwan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Deputy Spokesperson for Economic Affairs Gary Olivar sa isang pahayag na nalathala sa opisyal na website ng Office of the Press Secretary, iba ang mundo ng pulitika kaysa sa mundong nakasanayan na nila (mga lider-relihiyoso).

Dahil dito, payo ni Olivar, dapat na maghanda nang husto ang mga pari at pastor na gustong tumakbo sa halalan.

“Ang apela lang po namin sa kanila ay huwag po nilang hilingin sa mga mamamayan o mga botante na sila ay may espesyal na katayuan o sila ay mas magaling sa ibang kandidato dahil dati silang pastor o dati silang pari,” anang katuwang na tagapagsalita ng Malacañang.

Dagdag pa niya, ang pagpasok sa larangan ng pulitika ay ibang usapan at kaila­ngang maging handa silang maki­pagsabayan sa mga taong dati nang may karanasan sa larangan ng pulitika.

Bagaman sinabi ni Olivar na kahit inaasahang mahihirapan ang mga lider-relihiyoso na kalabanin ang mga taong marami nang ekperiyensiya sa larangan ng pulitika, sinabi rin niyang hangad pa rin niya ang mabuting kapalaran para sa nauna.

“Ang masasabi na lang natin ay good luck sa ating mga butihing men of cloth. Mahihirapan po sila but we wish them well,” sabi ni Olivar. (Pinas The Filipino’s Global Newspaper)