Pinoy seamen may proteksiyon na sa Gulf of Aden

Isinabatas kamakailan ng bansang Japan ang isang batas na magbibigay-proteksiyon sa mga mandaragat ng iba’t ibang mga bansa sa mundo kabilang ang Pilipinas. Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga barko at ng mga tauhang sakay nito bilang tugon sa talamak na pamimirata at pag-agaw ng mga barko sa Gulf of Aden maging sa baybayin mismo ng Somalia, isang bansa sa Africa.

Ito ay ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), na ang pagkakapasa ng naturang batas ang magpapatibay sa mas malawak na pagsusumikap ng United Nations (UN), kasama na ang Pilipinas at iba pang apektadong bansa ng pamimirata na masigurong ligtas ang pagdaan ng mga barko sa lugar na nabanggit, na itinutu­ring na pinakaimportanteng lagusan para sa mga kalakal ng mundo.
Fish Net May tamang sukat ang mga mata ng lambat na panghuli ng isda sa ilog man o sa karagatan. Ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng masisinsing lambat dahil hindi dapat hinuhuli ang mga isdang wala pa sa takdang panahon ang sukat para hulihin. KUHA NI ROEL ZARAGOZA

Pahayag ni Labor and Employment Sec. Marianito D. Roque, layunin ng batas na protektahan ang mga Japanese-flagged fleet maging ang kapakanan at kaligtasan nang humigit-kumulang 40,000 Pinoy seamen na lulan ng mga barkong iyon.

Bago ang pagkakapasa ng naturang batas, bumisita ang kalihim sa Tokyo sa maagang yugto ng panahong ito, kasama ang ilang opisyal ng Associated Marine Officers and Seamen’s Union of the Philippines (AMOSUP) at ng Philippine-Japan Consultative Council para katawanin ang bansa sa Philippine-Japan Seafarer Policy Forum. Matagumpay namang naisulong ng grupo ang preserbasyon ng mga trabaho ng napakaraming Pilipinong manlalayag na nakaempleyo sa mga barkong pagmamay-ari ng Hapon. Ang papuri ni Roque, inayudahan naman ni Foreign Affairs Undersecretary Rafael E. Seguis.

Sa paglagda sa batas, binigyang-diin ni Prime Mi­nister Taro Aso ng Japan na makiki­nabang sa bagong lehislasyon kapwa ang mga barkong pagmamay-ari at di-pag-aari ng nasabing bansa at magpapahin­tulot sa Japan na ibigay ang responsibilidad nito bilang miyembro ng internasyunal na komunidad sa pamamagitan ng aktibong pag-aambag sa pandaigdigang pagsusumikap na sugpuin ang pamimirata sa mundo.

Sa bagong batas, muling pinagtibay ng Japan ang UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na nag-uutos sa mga bansang kasapi ng UN na makipagtulungan, sa abot nang makakaya ng mga ito, sa pagsugpo ng pirasiya sa karagatan o sa iba pang bahagi ng dagat na labas na sa kanilang saklaw ng kapangyarihan. (Pinas The Filipino’s Global Newspaper)