Mga kaukulang pag-iingat sa tigdas

Bakuna kontra-tigdas, ayon sa World Health Organization, ang maaaring kumontra sa bagsik ng tigdas o German measles.

MAYNILA, Pilipinas – Ngayong tag-araw, usung-uso ang tigdas. Katunayan, may mga balitang nagkaroon na ng outbreak o maramihang pagkakasakit ng tigdas sa anim na lugar sa Pilipinas—Baseco Compound at Moriones sa Tundo, Maynila; Barangay Pulang Lupa sa Las Piñas City; bayan ng Balabagan sa Lanao del Sur; Central Market sa Dasmariñas, Cavite at bayan ng San Francisco sa Quezon.

Bunga ng isang uri ng virus (paramyxovirus) ang tigdas at lubha itong nakahahawa. Karaniwang bumibiktima ito at pumapatay ng mga bata at sanggol na edad limang taon pababa. Katunayan, ang 164,000 nabanggit na namatay dahil sa tigdas ay nasa gayong age bracket.

Mga sintomas

  • Mataas na lagnat na nagsisimula 10 hanggang 12 araw matapos na mahantad sa virus ang unang sintomas ng pagkakaroon ng tigdas.
  • Kabilang din sa sintomas ang pagkakaroon ng uhog o runny nose, mapula at nagluluhang mga mata at maliliit na puting mantsa (spots) sa mga pisngi sa unang atake o antas ng sakit.
  • Ilang araw pa ang lilipas, magpapantal-pantal na ang pasyente at karaniwang makikita ito sa kanilang mukha at leeg.
  • Matapos ang tatlong araw, kakalat ang pamamantal sa halos buong katawan ng pasyente at lilipas naman ito sa loob ng lima hanggang anim na araw.

Ayon sa World Health Organization (WHO), karaniwang nagaganap ang pamamantal, 14 na araw o dalawang linggo pagkatapos na mahantad ng pasyente sa virus.

Matindi ang “hambalos” ng tigdas sa mga batang kulang sa nutrisyon, lalo na sa mga kulang sa bitamina A at maging doon sa mga humina ang resistensiya bunga ng HIV/AIDS o iba pang mga sakit.

Pagkahawa

  • Maaaring makahawa ang isang may tigdas sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahin, pagkadikit sa maysakit o sa kontak sa uhog o dura ng maysakit.
  • Maaari nang makahawa ang maysakit, bago pa man lumitaw ang mga pantal hanggang apat na araw matapos na lumitaw ang mga ito.

Tandaan: Kahit sa mga bansang halos wala nang maysakit na tigdas, maaari pa ring magkaroon ng pana-panahong kaso nito bunga nang “pagkaangkat” nito mula sa ibang bansa o mula sa mga nanggaling sa ibang lupaing may outbreak.

Kumplikasyon

Pinakamalubhang kum­pli­ka­syong kaugnay ng tigdas ang:

  • pagkabulag
  • encephalitis o pamamaga ng utak
  • labis na pagtatae o diarrhea at dehydration o pagkaubos ng tubig sa katawan
  • impeksiyon sa tainga
  • matinding respiratory infection o impeksiyon sa baga gaya ng pneumonia

Pag-iwas

Routine measles vaccination o bakuna para sa mga bata, kasama ang mass immunization campaign sa mga bansang may mataas na kaso ng pagkakasakit at pagkamatay na dulot ng tigdas ang pangunahing susi para masugpo ang sakit na ito.

Apat na dekada nang mapakikinabangan ng isang tao ang bakuna laban sa tigdas at marami nang panturok na mura at ligtas na magagamit.

Karaniwang isinasama na ang measles vaccine sa bakuna laban sa rubella at beke sa mga bansang itinuturing na suliranin ang mga sakit na ito. (PINAS The Filipino’s Global Newspaper)